Hugot!

Bakit gano’n? Bakit ang gulo ng pag-ibig? Parang maze, maraming pasikut-sikot. Paiikot-ikutin ka hanggang sa mahilo ka. Kung minsan nga, ililigaw ka pa. Ililigaw ka nang ililigaw para sa huli, kapag nahanap mo na ang tunay mong destinasyon, worth it lahat. Huwag kang mapagod kakabalik sa pinanggalingan mo. Darating din ‘yong araw na finally, makakalabas ka sa maze at magiging isa na lang at tuwid na ang daan.

Bakit gano’n? Bakit kung minsan sobrang sakit magmahal? Parang sirang cell phone. Pagtya-tyagaan mo. Pipilitin mong paganahin. Kahit na nakakainis at nakaka-frustrate gamitin, ginagamit mo pa rin. Kahit papaano sumasaya ka naman kasi. Ang kaso, may mga bagay talaga na hindi pwedeng permanente. Kahit ano pang effort mo para isalba ang phone mo, darating ‘yong araw na bibigay din ‘yan. Mawawala rin sa ‘yo. Maaaring na-save mo ‘yong mga files pero hindi mo na sila maibabalik sa orihinal nilang lagayan o storage. Maaari mo namang palitan ang phone mo, mahirap nga lang kapag sobra kang na-attached doon sa nasira.

Bakit gano’n? Bakit sa dinami-rami ng tao sa mundo, hindi mo pa rin mahanap ‘yong taong para sa ‘yo? Parang pag-o-order lang ‘yan ng 1 pc. Chickenjoy (sa bwisit na Jollibee na ang sakit sa damdamin ng mga Vday Special). P’wede ka namang um-order ng 2 pcs. kaso kulang sa budget or hindi mo pa kayang ubusin ‘yong dalawa. Masarap pa rin naman kahit nag-iisa ‘yong manok pero siyempre iba pa rin ‘yong may kasama.

Naglakad ako kanina at no’ng pauwi, nakasalubong ko ‘yong Tita ko kasama niya ang anak niya at asawa. Nagja-jogging sila. Sabi sa akin no’ng Tito ko ba’t wala daw akong kasama. Alam mo ‘yon, Bes!

1

Hugot pa more!

Bakit gano’n nga ba? Bakit gano’n ang pag-ibig, akala mo nahanap mo na ‘yong taong para sa ‘yo tapos biglang iiwanan ka lang pala? Parang lobo lang ‘yan e. Masaya ka kapag nabili mo. Nae-enjoy mong pinaglalaruan. Maganda sa mata. Kaso puputok din, kaso mabibitawan mo rin at lilipad, o kaya naman kusang mauubos ‘yong hangin. Wala na. Hindi na lobo. Hindi na gaya ng dati. Wala na…

Bakit kasi gano’n? May mga tao talagang paasa. Parang scam text lang ‘yan e. Sasabihan ka na nanalo ka. Iko-congratulate ka. Papasayahin ka. Pero oras na maniwala ka, lagot ka. Hihingan ka lang ng load niyan. Uubusin lang ang pera mo niyan. Bakit ba kasi naniwala ka? Hindi ba’t tanga lang ang napapaniwala sa ganiyan? Tanga at mga desperada, mga desperadang yumaman. Akala mo panalo ka pero ang totoo, talo ka. Ikaw ang talo at mare-realize mo ‘yan sa huli.

Bakit ba ganiyan magmahal? Kung minsan doon ka pa sa manhid nagmamahal. Bakit gano’n? Para kang blogger na walang reader. Lahat naman ginagawa mo. Nagri-research ka, inilalabas mo lahat ng emosyon, opinyon, at kaalaman mo para mapakinabangan din ng ibang tao pero wala. Nilangaw lang ang blog mo. Nasayang lang ang pagod mo.

Pero alam mo? Masarap naman talagang magmahal e kahit pa sabihing one-sided ‘yan. Iba rin ‘yong may inspirasyon ka. Iba rin ‘yong nakangiti ka bago ka matulog sa gabi. Kung umiiyak ka naman dahil sa pag-ibig na nasira, ayos lang ‘yan dahil isa sa mga kinabukasan noon, makakakita ka rin ng iba at mas deserving sa pagmamahal mo.

Kung wala ka namang minamahal o taong gusto sa kasalukuyan, wala naman ding problema. Siguro talagang ubos lang ang oras mo sa mga ibang bagay o sadyang hindi ka pa handa. Kakagatin ka rin ng pag-ibig, huwag kang mag-alala.

Sa totoo lang, sa tingin ko, ang love ang icing sa cake ng buhay. Dito mo malalasap ‘yong sobrang katamisan ng buhay. Dito rin magiging makulay ang buhay mo. Marami ka ring mapupulot na leksyon sa pag-ibig. Buksan mo lang ang puso mo. February man o hindi, feel the love and spread the love.

Advance Happy Valentine’s Day!

I can’t wait for this month to end. Chos!